TAWHIID

Sharia law has come to America...Christian Sharia that is!

PAGGAWAD NG HATOL BUKOD SA MGA IBINABA NG ALLAH

Kabilang sa kahilingan ng pananampalataya sa Allah at pagsamba sa Kanya ay ang pagpapakumbaba sa Kanyang kahatulan, pagtanggap ng wagas sa kalooban sa Kanyang batas, at pagsangguni sa Kanyang aklat (Quran) at sa Sunnah ng Kanyang Sugo (e) sa sandaling nagkaroon ng pagkasalungatan sa mga salita, mga saligan, pagtalu-talo, mga alituntunin na nauukol sa mga dugo, mga kayamanan at sa lahat ng uri ng mga karapatan. Samakatuwid, ang Allah ang Siyang Tagahatol at sa Kanya ang hatol, kaya nararapat sa mga tagapaghatol na magtakda ng hatol batay sa mga ibinaba ng Allah, at nararapat din sa mga may katungkulan na sumangguni sa pagtakda ng hatol sa mga ibinaba ng Allah sa Kanyang Aklat at sa Sunnah ng Kanyang Sugo (saw).

Sinabi ng Allah sa katungkulang nauukol sa mga may kapangyarihan: {Katotohanang ang Allah ay nag-uutos sa inyo na inyong ibalik ang mga ipinagkatiwalang bagay sa nagmamay-ari nito, at kapag kayo ay humatol sa pagitan ng mga tao, kayo ay humatol sa katarungan}. (Qur’an 4:58)

At sinabi pa ng Allah sa katungkulang nauukol sa may katungkulan:  {O kayong nagsisampalataya! Sundin ninyo ang Allah at sundin ninyo ang Sugo (Muhammad) at sila na sa inyo ay may katungkulan. At kung kayo sa isa't isa ay nagkahidwaan sa isang bagay, isangguni ninyo ito sa Allah at sa Sugo (Muhammad), kung kayo nga ay naniniwala sa Allah at sa Huling Araw. Ito ang pinakamabuti at pinakamainam na pagsasanggunian}. (Qur’an 4:59)

At pagkatapos ay Kanyang ipinahayag na talagang hindi puwedeng magka-isa ang pananampalataya at ang pagsangguni sa pagtakda ng hatol sa mga hindi ibinaba ng Allah.

Sinabi ng Allah: {Hindi mo ba napagmamalas sila na nag-aangkin na sila (raw) ay naniniwala sa mga ibinaba sa iyo [O Muhammad] at sa mga ibinaba (na kapahayagan) nang una pa sa iyo, at sila ay nagnanais na ang maging tagapaghatol sa kanilang (mga pagkakahidwa) ay ang mga Taghut (mga kampon ni Satanas na humahatol bukod sa itinuturo ng Qur’an at Sunnah [mga kapahayagan ng Propeta]), samantalang lagi nang ipinag-uutos sa kanila na kanilang itakwil ito. Datapuwa't si Satanas ay naghahangad na sila ay mapaligaw nang malayo……Hindi! Bagkus Ako (Allah) ay nanunumpa sa iyong Panginoon na hindi magiging ganap ang kanilang pananampalataya hanggang hindi ka nila tinatangkilik bilang tagahatol sa lahat ng mga pagkakahidwa-hidwa sa pagitan nila, at pagkatapos ay wala silang matagpuan sa kanilang sarili na anumang pag-aalinlangan o paninikip ng dibdib sa iyong naging pasiya, at maluwag nilang tanggapin ang mga ito nang ganap}. (Qur’an 4:65)

Samakatuwid, ang Allah ay Kanyang itinanggi ng lubos na pagtanggi sa pamamagitan ng pagsumpa, ang kawalan ng pananampalataya ng sinumang hindi sumasangguni sa Sugo (saw) sa pagtakda ng hatol, hindi nasasapatan sa kanyang kahatulan, at hindi tumatalima sa kanya. Gayundin na Kanyang itinakda ang kawalang pananampalataya, kawalang katarungan at pagkasuwail ng mga may katungkulan na hindi nagtatakda ng hatol batay sa mga ibinaba ng Allah.

Sinabi ng Allah: {At sinuman ang hindi humatol ng ayon sa mga ibinaba ng Allah (na saligang batas), kung gayon sila yaong mga hindi sumasampalataya}. (Qur’an 5:44)

At sinabi pa Niya: {At sinuman ang hindi humatol ng ayon sa mga ibinaba ng Allah (na saligang batas), kung gayon sila yaong mga mapaggawa ng kamalian}. (Qur’an 5:45)

At sinabi pa Niya: {At sinuman ang hindi humatol ng ayon sa mga ibinaba ng Allah (na saligang batas), kung gayon sila yaong mga palasuway (sa Allah)}. (Qur’an 5:47)

Kaya, samakatuwid nararapat lamang na magtakda ng hatol batay sa mga ibinaba ng Allah, at sumangguni sa mga ito sa pagtakda ng hatol, sa lahat ng paksang pinagkakaroonan ng pagtalu-talo sa pagitan ng mga Pantas sa kanilang mga pansariling pagsisikap na salita; – kaya hindi tatanggapin ang isa man dito maliban sa kung ano ang siyang ayon sa naituro ng banal na Aklat (Qur'an) at ng Sunnah, nang walang kasamang pagkamping bulag sa isang doktrina o pagpanig sa isang Imam – sa mga pinagtatalunan ukol sa lahat ng mga karapatan, ni hindi sa mga personal na kalagayan lamang tulad ng nasa mga ibang bansa na umaanib sa Islam, datapuwa't ang Islam ay hindi nahahati.

 Ang Allah ay nagsabi: {O kayong nagsisampalataya! Magsipasok kayo sa Islam nang lubusan (sa pamamagitan ng pagsunod sa lahat ng batas at alituntunin nito)}. (Qur’an 2:208)

At sinabi pa niya: {Bahagi lamang ba ng Aklat ang inyong pinaniniwalaan at ang iba ay inyong itinatakwil?}.  (Qur’an 2:85)

At gayon din naman na kailangang sundin ang doktrina ng mga Imam, sa kondisyon na isasangguni muna ang mga salita nila sa Quran at sa Sunnah, at ang sumang-ayon sa Quran at sa Sunnah ay mapapanaligang panghawakan ito, datapuwat ang sumalungat sa dalawang ito, ito ay ibabalik sa kanya ng walang panatisismo o pagkiling, lalung-lalo na sa mga bagay na nauukol sa paniniwala. Sa katunayan ang mga Imam (kahabagan nawa sila ng Allah) ay ipinapangaral iyon – Iyan ang doktrina nilang lahat – kaya ang sinuman ang sumalungat doon ay hindi sumusunod sa kanila, kahit pa man ito ay iniaanib sa kanila.

Ito ang sinabi ng Allah: {Sila (mga Hudyo at Kristiyano) ay tumangkilik sa kanilang mga pantas (maalam sa relihiyon) at sa kanilang mga monghe (pari) bilang kanilang mga panginoon bukod pa sa Allah, at (tinangkilik din nila bilang kanilang Panginoon) ang Mesiyas (Hesus), ang anak ni Maryam (Maria)}. (Qur’an 9:31)

Ang talata na ito ay hindi lamang sa mga Kristiyano pinapatukuyan, bagkus nasasaklawan din nito ang lahat ng gumawa ng tulad ng kanilang ginagawa. Kaya ang sinuman ang sumasalungat sa anumang ipinag-uutos sa kanya ng Allah at ng Kanyang Sugo (saw). Na kanyang ihatol sa pagitan ng mga tao ang iba bukod sa mga ibinaba ng Allah, o hinangad iyon bilang pagsunod sa kanyang pinipithaya o nagugustuhan. Sa katunayan, tinanggal na niya ang silo ng Islam at ng pananampalataya mula sa kanyang leeg, at kung kanyang inangkin na siya ay mananampalataya.

Katotohanan, ang Allah ay ikinaila ang sinumang maghangad niyon at Kanyang pinabulaanan ang kanilang inaangking pananampalataya, batay sa napaloloob sa Kanyang sinabi: {kanilang inaangkin}. Tunay ngang Kanyang ikinaila ang kanilang pananampalataya dahil ang katagang (kanilang inaangkin), tanging ito’y sinasabi lamang kadalasan sa sinumang nag-aangkin ng isang pag-angkin na may pagsisinungaling dito, sa dahilang kanyang sinasalungat ang kahilingan nito, at ginagawa ang ikinakaila nito.

Mapatutunayan ito ayon sa Kanyang sinabi: {At sa katunayan, sila’y inutusan na itakwil nila ito}. (Qur’an 4:60)

At sa kadahilanan ding ang pagtanggi sa mga Thagut ay isa sa mga sa saligan ng Tawheed. Batay sa talatang nasasaad sa Surah Al-Baqarah (256). Kaya kapag hindi naipatupad ang saligan na ito, samakatuwid siya ay hindi nagpapatotoo sa kaisahan. Katiyakang ang Tawheed ang siyang saligan ng pananampalataya na sa pamamagitan nito’y napapabuti ang lahat ng mga gawain, bagkus nawawalan ng saysay ang mga ito kapag ito’y nawala rin.

Batay sa Kanyang sinabi: {Kaya't sinuman ang nagtakwil sa mga Taghut (mga huwad na diyus-diyosan) at sumampalataya sa Allah ay tunay na tumangan ng isang matibay na hawakan na kailanman ay hindi masisira}. (Qur’an 2:256)

Iyon ay dahil sa ang pagsangguni sa pagtakda ng hatol sa Thagut ay paniniwala sa kanya. Kaya’t ikinaila Niya ang pagkaroon ng pananampalataya sa sinumang hindi nagtatakda ng hatol batay sa mga ibinaba ng Allah, ito’y nagpapahiwatig lamang na ang pagtatakda ng hatol ng ayon sa batas ng Allah ay pananampalataya, paniniwala at pagsamba sa Allah na siyang nararapat na pananampalatayanan ng isang Muslim. Kaya hindi niya dapat ipanghusga ang batas ng Allah sa kadahilanan lamang na ang paghuhusga sa pamamagitan nito ay siyang pinakaangkop sa mga tao at pinakatumpak na magpalaganap ng katiwasayan. Sa kadahilanang ang ibang tao ay kanyang itinututok lamang ang kanyang pansin sa aspetong ito, at kanyang nakakalimutan ang unang aspeto. Samantalang tunay ngang pinintasan ng Allah ang sinumang naghuhusga sa batas ng Allah dahil lamang sa kanyang pansariling kapakanan ng walang kalakip na pagsamba sa Allah.

Sinabi ng Allah: {At kapag sila ay inaanyayahan sa Allah at sa Kanyang Sugo, upang humatol sa pagitan nila. Pagmasdan, ang isang pangkat sa lipon nila ay tumatanggi, datapuwa’t kung ang katuwiran ay nasa panig nila, sila ay (dagliang) lumalapit sa kanya nang kusang-loob at may pagtanggap}. (Qur’an 24:48-49)

Samakatuwid sila ay walang pinapahalagaan kundi tanging ang kanilang naiibigan lamang, kaya’t anumang sumasalungat sa kanilang naiibigan, daglian nilang nilalayuan ito, sa dahilang wala silang pagpapahalaga sa pagsamba sa Allah sa pagsangguni sa Kanyang Sugo (saw) para magtakda ng hatol.

 

TABARRUK (Pagpapabiyaya) SA PAMAMAGITAN NG MGA POOK, MGA ALAALA AT MGA TAO, BUHAY MAN O PATAY.

Kabilang sa makabagong mga gawa-gawang Bid’ah ay ang Tabarruk sa pamamagitan (ng inaakalang kapangyarihan) ng (ilang) mga nilalang (na makapagdulot niyon). Ito ay isa sa mga uri ng paganismo at isang lambat na ipinambibitag ng mga gahaman sa salapi ng mga uto-uto sa mga tao. Ang Tabarruk ay paghiling ng Barakah (pagpapala) at ang Barakah naman ay pananatili at paglago ng biyaya sa isang bagay.

Ang paghiling ng pananatili at paglago ng biyaya ay inuukol lamang doon sa nagmamay-ari niyon at may kakayahang magbigay niyon at iyon ay ang Allah. Siya ang nagbababa ng biyaya at nagpapanatili niyon, sa kabilang dako ang nilalang ay walang kakayahang magbigay at magpalitaw ng biyaya ni magpamalagi at magpanatili niyon. Samakatuwid, ang Tabarruk sa pamamagitan ng mga pook, mga alaala, (ang alaalang tinutukoy natin dito ay ang anumang bagay na may kaugnayan sa isang tao tulad ng kanyang kasuutan, bahay, labi, larawan at mga tulad nito.) at mga tao, buhay man o patay ay hindi ipinahihintulot, sapagkat iyon ay maaaring Shirk kung paniniwalaan na ang bagay na iyon ay nakapagbibigay ng biyaya, o isang daan patungong Shirk kung paniniwalaang ang pagdalaw roon, paghipo niyon at paghaplos sa katawan ng ipinahipo roon ay nagsisilbing dahilan sa pagtamo ng biyaya mula sa Allah.

Tungkol naman sa ginagawa ng mga Sahabah na Tabarruk sa pamamagitan ng buhok ng Propeta (saw), ng kanyang laway at anumang nahiwalay sa kanyang katawan, iyon lamang ay noong sandaling nabubuhay pa siya at kapiling pa nila batay sa katunayan na ang mga Sahabah ay hindi nagpapabiyaya sa pamamagitan ng kanyang silid at kanyang puntod noong namatay na siya. Hindi rin sila nagsasadya sa mga lugar na dinadasalan niya o tinitigilan niya upang sa pamamagitan niyon ay magtamo sila ng biyaya.

At ganoon din ang mga pinaglibingan ng mga Wali, lalong karapat-dapat na hindi puntahan sa layuning magpabiyaya, at hindi rin sila nagpapabiyaya sa pamamagitan ng mga mabubuting tao tulad nina Abu Bakar at Umar at iba pang mga magagaling na Sahabah, noong buhay pa man ang mga ito at noong patay na ang mga ito. Hindi rin sila nagpupunta sa yungib ng Hira’ upang magdasal doon o manalangin doon, at hindi rin sila nagpupunta sa bundok na Tur, na doon ay kinausap ng Allah si Musa (Moises), upang magdasal doon at manalangin; at sa iba pang mga lugar at mga bundok na sinabing pinuntahan o pinaglibingan ng mga Propeta at iba pang banal na tao, at hindi rin sila nagpupunta sa isang Mash-had na itinayo sa ibabaw ng alaala ng isa sa mga Propeta.

Karagdagan pa roon, ang lugar na laging dinadasalan ng Propeta (saw) sa Madinah ay hindi hinihipo o hinahalikan ng isa man sa mga mabubuting sina-unang ninuno, ni ang lugar na dinasalan niya sa Makkah at sa iba pang lugar. Kapag ang lugar na inapakan ng kanyang mga marangal na paa at dinasalan niya ay hindi nga itinatagubilin sa kanyang mga tagasunod na haplusin iyon upang ipamunas sa katawan (sa pag-aakalang iyon ay may biyaya), ni halikan iyon, papaano na lamang ang sinasabing lugar na dinasalan o tinulugan ng iba pa sa kanya? Ang paghalik sa anumang bagay doon at ang paghaplos doon upang ipamunas sa katawan (sa pagaakalang iyon ay may biyaya) ay kusang nalaman na ng mga eskolar na ito ay hindi bahagi ng batas ng Relihiyong Islam.

 

 

ANG KARUNUNGANG ITIM AT PANGHUHULA

Ang lahat ng mga bagay na ito ay gawaing makademonyo at ipinagbabawal, nakakasira ng pananampalataya o sumasalungat dito, sapagkat ito ay hindi nangyayari kundi sa pamamagitan ng mga bagay na maka-shirk.

Ang karunungang itim ay isang katawagan sa anumang nakakubli at mahiwaga ang dahilan nito: Tinawag itong Sihr (sa wikang arabik), sapagkat nagaganap ito sa pamamagitan ng mga nakakubling pakana na hindi natatalos ng mga paningin. – kabilang dito ang mga agimat, mga orasyon o mga bulong, mga mahihiwagang salita, mga gamot at mga pausok.

Ito ay may katotohanan, mayroong Sihr na nakaaapekto sa damdamin at mga katawan, nakapagdudulot ng karamdaman, nakapapatay at nakapagpapahiwalay sa mag-asawa.

Ang pagtalab nito ay nangyayari dahil sa kapahintulutan ng Allah na itinakda na Niyang mangyari, bagamat ito ay gawaing maka-demonyo, ang karamihan sa mga ito ay walang natatamo maliban sa pamamagitan ng paggawa ng Shirk, at pagpalapit sa mga masasamang espiritu sa pamamagitan ng paggawa ng naiibigan ng mga tao, at paggawa ng paraan upang magamit ang mga ito sa pamamagitan ng paggamit sa paggawa ng Shirk.

Ito ang dahilan kung bakit iniuugnay ito ng Allah na kabilang sa Shirk.

Anupa’t ang Propeta (saw) ay nagsabi: “Pangilagan ninyo ang pitong nakapapahamak na kasalanan”. Sinabi nila: At ano po ang mga iyon? Siya ay nagsabi: “Ang pagtatambal sa Allah, ang Sihr……..”. Ang Sihr ay napaloloob sa Shirk batay sa dalawang anggulo:

Una: Napaloloob dito ang paggamit ng mga demonyo, ang pag-asa sa mga ito, at ang paglapit sa mga ito sa pamamagitan ng paggawa ng naiibigan nila nang sa gayon ay paglingkuran ng mga ito ang isang mangkukulam.

Samakatwid ang Sihr ay kabilang sa mga katuruan ng mga demonyo. َ

Allah ng Sinabi )  {Datapuwa’t ang mga demonyo ang nagsitakwil ng pananampalataya, (sapagka't) sila ay nagtuturo ng salamangka sa mga tao}. (Qur'an 2:102)

Ikalawa: Napaloloob din dito ang pag-aangking nagtataglay ng kaalaman tungkol sa Ghayb (bagay na lingid) at ang pagpapahayag na nakikilahok sa Allah tungkol dito. Ito ay kawalang pananampalataya at pagkaligaw.

Sinabi ng Allah: ُ{At katotohanang napag-alaman nila na ang sinumang tumangkilik niyaon ay hindi magkakamit ng anumang bahagi sa Huling Araw}. (Qur'an 2:102)

At kapag gayon nga, walang duda na ito ay kawalang pananampalataya at Shirk na sumasalungat sa pinanampalatayanan at kailangang lipulin ang mga gumagawa niyon, gaya ng ginawang paglipol ng isang pangkat ng mga pangunahing Sahabah (Sumakanila nawa ang kaluguran ng Allah).

Naging pabaya na ang mga tao hinggil sa mangkukulam at pangkukulam at maaari pang ituring nila iyon na isa sa mga sining na maipagmamalaki ng marunong nito at mapagkakalooban ang mga gumagawa nito ng mga gantimpala at pagtangkilik. Nagdadaos sila ng mga pagtitipon, mga palabas at mga paligsahan para sa mga mangkukulam na dinadaluan ng libo-libung mga manonood at mga tagahanga.

Ito ay bahagi ng kamangmangan sa pananampalataya, pagpapabaya hinggil sa pinanampalatayanan at pagpapalakas sa mga taong ginagawang laruan ang paniniwala.

 

ANG KAHANAH AT ARAFAH (Panghuhula sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap at Panghuhula sa kung ano ang nangyari na).

Kapwa itong nag-aangking nagtataglay ng kaalaman hinggil sa Ghayb at kabatiran hinggil sa mga bagay-bagay na nakalingid gaya ng mga pagpapabatid tungkol sa kung ano ang mangyayari at magaganap sa lupa at kung nasaan naroroon ang isang bagay na nawawala. Naisasagawa iyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga demonyo na panakaw na nakikinig sa langit.

Sinabi ng Allah:  {Ipapaalam Ko ba sa inyo kung kanino bumababa ang mga demonyo?, sila ay bumababa sa bawa't sinungaling na makasalanan, kanilang ipinapasa kung anuman ang (kanilang) narinig (na balita sa kalangitan sa kanilang mga ahente na manghuhula), at ang karamihan sa kanila (mga manghuhula) ay mga sinungaling}. (Qur’an 26:221-223)

At iyan ay sapagkat panakaw na nakikinig ang mga demonyo sa ilan sa mga salita ng mga Anghel at ipinapasa nila ito sa tainga ng mga manghuhula, kasama ng natanggap na salita, gumagawa pa ang isang manghuhula ng isandaang kasinungalingan at pinaniniwalaan naman siya ng mga tao dahil sa isang totoong salitang napakinggan mula sa langit.

Ang Allah ang bukod-tanging nakaaalam sa Ghayb; kaya ang sinumang mag-angking nakikihati sa anuman dito sa pamamagitan ng panghuhula o anupaman o kaya ay maniwala sa sinumang nag-aangking may kaalaman dito, tunay na ginawan na niya ang Allah ng katambal sa bagay na kabilang sa nauukol lamang sa Kanya.

Ang panghuhula ay hindi nawawalan ng Shirk, sapagkat ito ay paglapit sa mga demonyo sa pamamagitan ng paggawa ng naiibigan nila. Kaya ito ay Shirk sa pagkapanginoon ng Allah dahil sa pag-angking nakikihati sa Allah sa Kanyang kaalaman. At Shirk sa pagkadiyos ng Allah dahil sa paglalapit sa iba pa sa Allah sa pamamagitan ng isang gawaing maituturing na bahagi ng pagsamba.

Ayon kay Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah), batay sa sinabi ng Propeta (saw): “Ang sinumang magsadya sa isang manghuhula at naniwala rito sa sinasabi nito, sa katunayan siya ay tumalikod na sa pagsampalataya sa ibinaba kay Muhammad (saw)”.

 Ilan sa kailangan bigyang pansin at mapansin: Na ang mga mangkukulam at mga manghuhula ay pinaglalaruan nila ang mga paniniwala ng mga tao, yayamang nagpapanggap silang mga manggagamot at inuutusan nila ang mga may-sakit na maghandog ng mga alay sa iba pa sa Allah sa pamamagitan ng pagkakatay ng isang tupa (halimbawa) na ang katangian ay ganito at gayon o isang manok, o nagsusulat sila para sa mga ito ng mga urasyong maka-shirk at mga bulong na makademonyo, na ikinukuwintas nila o inilalagay nila sa mga baol nila o sa mga bahay nila.

 Ang iba naman ay nagpapanggap na isang tagapagpabatid ng mga nakalingid na bagay o ng mga kinaroroonan ng mga nawawalang bagay. Pinupuntahan siya ng mga mangmang at tinatanong nila siya hinggil sa mga bagay na nawawala at ipinababatid niya sa kanila kung nasaan ang mga iyon o dinadala niya ang mga iyon sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga ahenteng demonyo.

Ang iba naman sa kanila ay nagpapanggap na isang banal na tao na nakagagawa ng mga pambihirang bagay at mga himala tulad ng pagpasok sa apoy nang hindi napapaso (o pagpapatama sa isang sandata o pagpapasagasa sa sasakyan at hindi siya naaano) o iba pang mga kahanga-hangang gawa na kung tutuusin ay salamangka na bahagi ng gawain ni Satanas na pinangyayari niya sa kamay ng mga ito para makapang-akit, o maaari ring ang mga iyon ay mga ilusyon na walang katotohanan, manapa’y mga lihim na panlalalang na ginagawa nila sa harap ng mga tao, tulad ng ginawa ng mga salamangkero ni Paraon sa mga lubid at mga tungkod.

Sinabi ni Shaikh Al-Islam sa kanyang pakikipagdebate sa mga salamangkero na AlBata-iheyah Al-Ahmadiyah Al-Rifa-iyah: “Nagsalita siya (Ang pinuno ng mga salamangkero) nang may mataas na tinig: “Kami ay may mga nagagawang pambihirang bagay na ganito at ganyan.”…. Nagpahayag siya na diumano’y nakagagawa sila ng mga pambihirang bagay tulad ng paglalaro ng apoy at iba pa at namumukod-tangi sila sa paggawa niyon, at sila ang karapat-dapat pagkakamitan ng pagwagi alang-alang dito.

Sinabi ni Shaikh Al-Islam: Aking sinabi at itinaas ang tinig na pagalit: “Kinakausap ko ang lahat ng Ahmadi (ang tawag sa mga salamangkerong kadebate niya) magmula sa silangan ng mundo hanggang sa kanluran nito; ang anumang gagawin ninyo sa apoy ay akin ding gagawin ang katulad sa gagawin ninyo at ang sinumang mapapaso ay talo. (Maaari ring ang nasabi ko ay mapasakanya ang sumpa ng Allah), ngunit pagkatapos na mahugasan ang aming mga katawan ng suka at mainit na tubig.” At tinanong ako ng mga pinuno at mga tao tungkol doon.

Sinabi ko: “Sapagkat mayroon silang ginagamit na mga panlalalang sa pagdiit sa apoy, na ginagawa nila buhat sa mga bagay na mula sa langis (ng taba) ng mga palaka, balat ng naranj (naranghita) at talko (talcum powder). Dahil doon ay nagkaingayan ang mga tao. Kaya naman nagsimula siya na magpanggap na may kakayahang gawin iyon.

Ang sabi niya: “Tayo ay pabalot sa isang banig matapos na mapahiran ang ating mga katawan ng asurpe”. Kaya sinabi ko: “Tumayo ka”. Inulit-ulit ko sa kanya na tumayo para gawin iyon.

Inunat niya ang kanyang kamay upang magkunwaring maghuhubad ng damit.

Sinabi ko: “Huwag! Hangga’t hindi ka nakapaghuhugas ng mainit na tubig at suka”. At nabuko ang kanilang ilusyon na nakagawian na nila.

Ang sabi niya: “Ang sinumang nagmamahal sa prinsipe ay magdala ng kahoy (o maaaring ang sinabi niya ay isang bigkis ng panggatong)”.

Ang sabi ko: “Itong (ginagawa mo) ay pagpapahaba ng usapan at paghahati sa pagkakaisa at hindi sa pamamagitan nito natatamo ang nilalayon; bagkus ang dalhin ay isang kandila na nakasindi at ipapasok ko sa apoy ang aking daliri kasama ng iyong daliri matapos na mahugasan. At ang sinumang daliri ang masunog ay mapasakanya ang sumpa ng Allah (o maaaring ang nasabi ko ay siya ang talo)”.

Nang nasabi ko iyon ay nagbago ang kanyang anyo at napahiya. Ang nilalayon ng salaysay na ito ay magbigay-linaw na ang mga manunubang ito ay nagsisinungaling sa mga tao sa pamamagitan ng mga lihim na panlalalang na ito.

 

AT-TAWASSUL (Ang pagtakda ng daan o dahilan)

Ang Tawassul sa palawikaang pananaw:

Ito ay hinango mula sa salitang Al-Wasilah. At ang Wasilah ay ang daan (o dahilan) na siyang naghahatid tungo sa nilalayon.

Ito ay may dalawang uri:

Una: Pagsamba na ang pinatutukuyan dito ay ang pagtamo ng kagalakan ng Allah at Paraiso.

At dahil dito, ating sinasabi na: Lahat ng uri ng pagsamba ang siyang daan tungo sa kaligtasan mula sa Apoy at pagpasok sa Paraiso.

Pangalawa: Hinango mula sa salitang Wasilah (daan): Ang anumang itinatakda na daan (o dahilan) upang matugunan ang panalangin.

At ito ay may mga bahagi:

1) Ang pagtatakda ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng kanyang mga Pangalan, maging ito man ay sa pamamagitan ng pangkalahatang mga pangalan o sa isang partikular na pangalan mula rito.

Ang halimbawa ng una: Ang Tawassul sa pamamagitan ng pangkalahatang mga pangalan: Ayon sa napatunayan sa isang tumpak na Hadith, Si ibn Mas`uod (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat tungkol sa panalangin ng pagkabalisa at kalungkutan:

[O Allah! Tunay na ako ay Iyong alipin, anak ng Iyong alipin na lalaki, anak ng Iyong alipin na babae, ang aking bumbunan (buhay) ay nakasalalay sa Iyong kamay, ang aking nakaraan ay nasa ilalim ng Iyong kapasiyahan, katarungan ay nasa Iyong kahatulan, aking hinihiling sa Iyo, o Allah! Sa pamamagitan ng lahat na pangalan na Iyong taglay na siyang ipinangalan Mo sa Iyong sarili, o kaya sa ibinaba Mo sa Iyong aklat na siyang itinuro Mo sa isa sa Iyong mga nilalang, o kaya sa tanging inangkin Mo lamang sa kaalaman ng Ghaib (lingid) na nasa Iyo, na gawin ang dakilang Quran na bumubukal sa aking puso, liwanag ng aking dibdib, papawi ng aking kalungkutan at aalis ng aking pagkabalisa’t dalamhati].

Ang punahin sa Hadith ay ang sinabi niyang: [Sa pamamagitan ng lahat na pangalan na Iyong taglay].

Kaya ang sasabihin natin ay ganito: “O Allah! Katotohanang ako’y humihiling sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong naggagandahang mga Pangalan”.

Ang patunay nito ay ang sinabi ng Allah: ُ{At taglay ng Allah ang mga mabubuting pangalan, kaya’t manawagan kayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga ito}. (Qur'an 7:180)

At ang halimbawa ng ikalawa: Ang Tawassul sa pamamagitan ng partikular na pangalan, tulad ng iyong pagsabi: “O Mapagpatawad! Patawarin Mo po ako, O Maawain ! Kaawaan Mo po ako, O Allah! Tunay pong Ikaw ay mapagpaumanhin, Iyo pong kinalulugdan ang pagkamapagpaumanhin, kaya’t ipagpaumanhin Mo po ako”.

2) Ang paggawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng Kanyang mga katangian, maging ito’y pangkalahatan o pangpartikular. Ang ilan sa mga katangian ay nauugnay sa gawa, sapagkat ang mga gawa ay katangian.

Ang halimbawa nito: Tulad ng iyong pagsabi: “O Allah! Tunay po na ako’y humihiling sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong mga magagandang pangalan at matataas na katangian”.

Ang ganitong Tawassul ay tama. Gayundin naman na ang Tawassul sa pamamagitan ng mga katangian ay maaaring maging pangkalahatan o partikular.

Ang halimbawa ng pangkalahatan ay katulad ng nasa unang nabanggit.

At ang halimbawa naman ng partikular ay katulad ng iyong pagsabi: “Ako’y nagpapakupkop sa pamamagitan ng kataas-taasan ng Allah at ng Kanyang kapangyarihan laban sa anumang masama na aking matagpuan at iniiwasan”.

Pagmasdan! Nasasaad dito ang Tawassul sa pamamagitan ng mga katangian ng Allah. At ang ibang halimbawa ng Tawassul sa pamamagitan ng gawa ay tulad ng: (O Allah! Pagpalain mo po si Muhammad at ang mga pamilya ni Muhammad tulad ng Iyong pagpala kay Ibrahim at sa pamilya ni Ibrahim). Samakatuwid, ikaw ngayon dito ay humihiling sa Allah ng Kanyang pagpapala na siyang ipinagkaloob Niya kay Ibrahim at sa mga pamilya ni Ibrahim na ito’y ipagkaloob din nawa kay Muhammad at sa mga pamilya ni Muhammad.

3) Ang paggawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo.

Sasabihin niya: “O Allah! Sa pamamagitan ng aking paniniwala sa Iyo at sa Iyong Sugo, ako’y humihiling sa Iyo ng ganito’t ganyon”.

Ang ganitong Tawassul ay tama.

Ang patunay nito ay batay sa sinabi ng Allah: َ{Katotohanan! Sa pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, at sa pagsasalitan ng gabi at araw, katiyakang naririto ang mga Tanda para sa mga (taong) may pangunawa …… Aming Panginoon! Katotohanang aming narinig ang isang nag-aanyaya (Muhammad), na nananawagan sa Pananampalataya: Manampalataya kayo sa inyong Panginoon, at kami ay sumampalataya. Aming Panginoon! Patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan at ipagpaumanhin Mo ang aming kasamaan, at bawiin ang aming buhay na kasama ng mga matutuwid na nananampalataya}.  (Qur'an 3:190…193)

Ibig sabihin: Sa pamamagitan ng paniniwala namin sa Iyong Sugo, pagkalooban Mo po kami ng kapatawaran. Samakatuwid ginawa nila ang paniniwala sa Kanya bilang daan para sa kanilang kapatawaran. Kaya ang paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng paniniwala sa Allah, at sa Kanyang Sugo (saw), at sa pamamagitan ng pagmamahal sa Allah at sa Kanyang Sugo (saw) ay ipinapahintulot. Sa kadahilanang ang paniniwala sa Allah ay isang dahilan na maghahatid sa kapatawaran. Gayon din ang pagmamahal sa Allah at sa Kanyang Sugo (saw). Kaya ipinahihintulot ang Tawassul sa Allah sa pamamagitan nito.

4) Ang paggawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng kalagayan ng taong nagsusumamo.

Ibig sabihin: Na ang gumawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng kanyang kalagayan, at hindi babanggit ng anuman; tulad ng kanyang pagsabi: “O Allah! Katotohanang ako ang nangangailangan sa Iyo, O Allah! Katotohanang ako’y isang bihag na nasa ilalim ng Iyong kapangyarihan”…. At iba pa na mga katulad nito.

Ang patunay nito ay ang pagsabi ni Moises (Sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan) nang kanyang tulungan ang dalawang babae para kumuha ng inumin, at pagkaraan ay nagtungo siya sa lilim ng isang kahoy, at kanyang sinabi: ِ{Aking Panginoon! Katotohanang ako ay lubhang nangangailangan ng anumang mabuting bagay na Iyong ipagkakaloob sa akin!}.  (Qur'an 28:24)

Punahin! Siya ay hindi bumanggit ng anupaman. Ang ipinapapahiwatig ng talatang ito’y kapag ang kalagayan ng taong nananalangin ay kanyang isinalarawan, samakatuwid ito ay nangangailangan ng habag, pagmamahal at kabutihang loob lalung-lalo na kapag ka siya ay sa harap ng Pinakamaawain sa lahat ng mga maawain, Kapita-pitagan at Kataas-taasan.

5) Ang paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng panalangin ng isang taong kaasam-asam ang katugunan ng panalangin: Ang patunay nito’y isang makatotohanang ulat ayon kay Muslim, Nang ang Propeta Muhammad (saw) ay nagbibigay ng Talumpati sa mga tao sa araw ng Biyernes, may pumasok na isang lalaki at tumungo kaagad sa Propeta (saw) at siya ay nagsabi: “O Sugo ng Allah! Ang mga ari-arian ay nawasak, at ang mga daan (ng pag-asa) ay naputol, kaya humiling ka sa Allah na bigyan tayo ng ulan. Kaya’t itinaas ng Propeta (saw) ang kanyang dalawang kamay, at kanyang sinabi: “O Allah! Bigyan Mo po kami ng ulan, o Allah! Bigyan Mo po kami ng ulan” 3x.

Si Anas ibn Malik ay nagsabi: “Sumpa man sa Allah! Wala kaming nakikita sa langit na anumang ulap ni kulimlim (magkalumpoklumpok na ulap), walang bahay at tahanan sa pagitan namin at ng bundok na Sal`a….kanyang sinabi: At lumitaw pagkatapos nito ang isang ulap na tulad ng kalasag, at nang ito’y pumagitna sa langit, kumalat at pagkatapos ay umulan, at hindi pa nakababa ang Propeta (saw) mula sa kanyang kinatatayuang Mimbar maliban na ang ulan ay pumapatak na mula sa kanyang mga balbas.

6) Ang paggawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng mabuting gawain, at ito ay ang pagbanggit ng tao ng mabuting gawain sa gitna ng kanyang panalangin na siyang maging dahilan upang makamtan ang mimimithi.

Ang halimbawa nito: Ang kuwento ng tatlo na siyang isinalaysay ng Sugo (saw), tatlong tao mula sa angkan ng Israel na idinulog sila ng pangangailangan ng pamamahinga sa kuwebang Gar, at sila ay pumasok sa kuweba, subalit ninais ng Allah batay sa Kanyang malawak na layunin, na sa kanila ay sasara ang isang malaking bato, bilang isang pagsubok, pagsulit at aral sa Kanyang mga alipin. Sumara sa kanila ang malaking bato, at sinubukan nilang itulak ito, subalit hindi nila nakaya, at ang sabi ng isa sa kanila sa iba:

“Katiyakang hindi ito ang makapagpapalabas sa inyo rito, maliban na kung kayo ay gumawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng mga mabubuting gawain ninyo”. Kaya sila ay gumawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng kanilang mga mabubuting gawa.

Ang sabi ng isa sa kanila:

“O Allah! Noon ay may dalawa akong magulang na matatanda, at ang aking kaugalian ay ang hindi maglingkod sa kaninuman na mauna sa kanila, sa kamag-anakan ni sa kayamanan At isang gabi akin silang natagpuan na kapwa natutulog, at aking kinasuklaman ang mag-abot ng inumin sa gabi sa kaninuman na mauna sa kanila, kaya nanatili ang pitsel sa ibabaw ng aking mga kamay hanggang sa lumiwanag ang madaling araw, at pagkatapos ay nagising sila at aking pinainum. O Allah! Tunay na aking ginawa ito bilang paghangad sa Iyong Mukha (kagalakan), kung kaya’t ilabas Mo kami sa aming kinalalagyan ngayon, at umusog ang bato ng kaunti, subalit hindi pa rin nila kayang lumabas.

Ang ikalawa naman sa kanila: Binanggit nito na mayroon siyang pinsan na babae at kanyang lubos na nagugustuhan ito, kaya hinangad niya ang sarili nito, subalit tumanggi ito. At pagkatapos makaraan ang ilang taon, dumating sa babae ang labis na pangangailangan, kaya’t tumungo siya sa lalaki upang hilingin sa kanya na punuan ang kanyang pangangailangan, subalit hindi niya tinugunan ito maliban na lamang kung ipagkaloob niya ang sarili niya sa kanya – (at dahil sa tindi ng pangangailangan) – kanyang ipagkakaloob ang kanyang sarili, at nang handa nang angkinin ng lalaki ang kanyang pagkababae ng tulad ng pag-aangkin ng isang lalaki sa kanyang asawa.

Sinabi (ng babae) sa kanya: “O ikaw na lalaki! Matakot ka sa Allah, huwag hayaang sirain ng sinuman ang singsing maliban sa may karapatan nito”. Ito’y isang dakilang salita na nakabibighani ng kalooban.

Siya ay nagsabi: “Ako ay tumayo palayo sa kanya, samantalang siya na ang pinakamamahal kong tao”. – Ibig sabihin: Pinakawalan niya ito, hindi dahil sa hindi niya siya nagustuhan, bagkus pinakawalan niya ito dahil sa takot niya sa Allah nang banggitin nito sa kanya, at agad ay ibinigay sa kanya ang pangangailangan nito.

Samakatuwid, pinag-isa ng lalaking ito ang kaganapan ng kabutihang loob at pag-ugnay sa mga kamag-anak. – Pagkatapos ay kanyang sinabi: “O Allah! Tunay na aking ginawa iyon alang-alang sa paghahangad ng Iyong mukha, kaya’t palabasin Mo na kami sa kinalalagyan naming ito”.

Gumulong ang bato, subalit hindi pa rin sila nakakalabas. Tungkol naman sa ikatlo: Nabanggit nito na siya ay may mga taong pinapasahuran, at nang maibigay na niya ang sahod ng bawat isa sa kanila maliban sa iisa, hindi niya ito naibigay sa kanya ang sahod nito. Kaya pinalago niya ito hanggang sa dumami ng dumami ang mga kamelyo, tupa, baka at mga alipin. Hanggang isang araw ay dumating sa kanya ang manggagawa na kinukuha nito ang sahod niya.

Siya ay nagsabi sa kanya: “Ang lahat ng iyong nakikita na mga kamelyo, tupa at mga alipin ay pag-aari mong lahat”. Kaya ang sinabi sa kanya ng lalaki: “Matakot ka sa Allah! Huwag kang mangutya sa akin”.

Muli siya ay nagsabi: “Hindi ako nangungutya sa iyo, sapagkat ito ang sahod mo”. Kaya masayang kinuha ito ng lalaki at dinala niya lahat.

Kung gayon nagtataglay ang lalaking ito ng pambihirang katangian sa pamamagitan ng kanyang ginawa at katapatan, sapagkat puwede naman niyang gawin na kung kailan dumating ito sa kanya at hiningi ang sahod nito ay ibigay sa kanya ang sahod lamang nito, sa gayon sapat na. Subalit, dahil sa kanyang katapatan at mapagkakatiwalaan, ibinigay nito sa kanya ang lahat ng inunladan ng sahod nito.

Pagkaraan ay kanyang sinabi: “O Allah! Tunay na aking ginawa ito bilang paghahangad ng Iyong mukha, Kaya nawa’y palabasin Mo na kami sa kinalalagyan naming ito”. Kaya gumulong ang bato at nakalabas silang lahat na naglalakad. Samakatuwid, kapag sinabi ng isang tao: “O Allah! Tunay na ako ay humihiling sa Iyo sa pamamagitan ng mga nagawa kong kabutihan sa aking mga magulang, na sana ay pagkalooban Mo rin ako ng gabay upang mabuti rin akong pakitunguhan ng aking mga anak……Ang ganitong Tawassul ay tama, ito ang Tawassul sa pamamagitan ng mabuting gawa.

Datapuwa’t tungkol naman sa parteng hindi maaaring gawing Tawassul sa Allah, ito ay kung hindi matatawag na Wasilah sa kalikasan mismo nito.

Tulad halimbawa ng paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng personalidad ng Propeta (saw), o sa kanyang katayuan, sapagkat ito ay hindi magdudulot sa iyo ng kapakinabangan. Ang katayuan ng Sugo (saw) at ang kanyang kinalalagyang antas doon sa Allah ay tanging ang Sugo lamang ang makikinabang nito, at ikaw ay walang mapapala dito ng anumang kapakinabangan at lalung-lalo na sa kanyang pagkatao. Samakatuwid, ito’y bilang pagtuturo na ang paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng Propeta (saw) sa ngayon ay hindi tumpak.

Sa katunayan, ang mga Sahabah noon ay nakaranas ng tag-tuyo’t sa kapanahunan ni Umar ibn Al-Khattab (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah), siya ay lumabas upang magsagawa ng Salah para sa ulan na kasama sila, at kanyang sinabi: “O Allah! Katotohanang kami noon ay gumagawa ng Tawassul sa Iyo sa pamamagitan ng aming Propeta (saw) at pinagkalooban Mo kami ng maiinom (ulan) – at kami ngayon ay gumagawa ng tagapamagitan sa Iyo sa pamamagitan ng tiyuhin ng aming Propeta, kaya pagkalooban Mo kami ng ulan na maiinom, tumayo si Al-Abbas ibn Abdul Muttalib na humihiling sa Allah ng ulan at sila ay pinagkalooban Niya ng ulan na maiinom.

Ito’y isang patunay na ang kahulugan ng paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng Propeta (saw), na siyang napatunayan sa kanyang mga kasamahan ay sa pamamagitan ng kanyang panalangin at hindi sa kanyang pagkatao.

Tungkol naman sa paggawa ng Tawassul ng mga Mushrik (nagtatambal sa kaisahan ng Allah) sa pamamagitan ng mga rebulto nila at imahen, at ng mga mangmang sa pamamagitan ng kanilang mga Auliya’ (dinadakilang mga tagapagtanggol atbp.) ito ay Tawassul na maka-shirk, hindi natin masasabi na ito ay Bid’a na Tawassul, bagkus ito ay Tawassul na maka-shirk, at hindi nararapat na ito ay ating tawaging Tawassul, datapuwat ito ay Shirk na tunay. Sa dahilang ang mga gumagawa ng Tawassul na yaon ay nananalangin sila mismo sa sinumang inaakala nilang ito ay Wasilah (daan). Pupunta ang isang lalaki sa inaakala niyang ito ay Wali (taong relihiyuso na taga-pagtanggol ng Allah) at kanyang sasabihin:

“O Wali ng Allah! Iligtas mo ako”. – (sa ganitong pagbigkas) – “O mag-anak ng bahay (ng Propeta saw! Iligtas ninyo ako, O Propeta ng Allah! Iligtas mo ako”. Samakatwid ito’y hindi natin puwedeng tawagin na Wasilah (daan), ngunit ang maitatawag natin dito ay Shirk, dahil ang pananalangin sa iba bukod sa Allah ay Shirk sa pananampalataya, at kawalan ng katinuang pag-iisip. Ito ay Shirk sa pananampalataya sa dahilang sila ay gumagawa ng katambal na itinatambal nila sa Allah, tunay na ito ay kawalan ng katinuang pag-iisip.

Sapagka’t ang Allah ay nagsabi: {At sino pa kaya ang higit na naliligaw, sa kanya na nananawagan sa iba bukod sa Allah, sa hindi makapagtutugon sa kanya ng kasagutan hanggang sa Araw ng Pagbabangong Muli, at sila sa kanilang mga panawagan ay nakalilingat?}.  (Qur'an 46:5)

At sa Araw ng Pagbangon Muli, sila ay hindi makapagdudulot ng kapakinabangan para sa kanila.

Ang Allah ay nagsabi: {At kapag ang sangkatauhan ay tipunin nang sama-sama, sila (na mga huwad na diyus-diyosan) ay magiging kaaway nila, at sila ay magkakaila sa pagsambang iniukol sa kanila}.  (Qur'an 46:6)

Inilarawan ng Allah ang mga pinaghihilingan na ito na sila ay walang kakayahan, ni hindi sila makakapagtugon kailanman hanggang sa Araw ng Pagbangon Muli kung kailan sila ay humihiling sa mga ito. At sila ay nakakaligta, ni hindi nila nalalaman kung sinu-sino ang humihiling sa kanila, ni hindi rin nakakaramdam ng anuman sa mga iyon. Gayundin, sa Araw ng Pagbangong Muli – Panahon ng tunay na pangangailangan – kapag ang mga tao ay titipunin na lahat, sila (ang mga rebulto) ay magiging kalaban nila, sapagkat itatakwil ng mga ito ang pagsamba nila sa kanila, tulad ng paghiling sa mga Auliya’, mga rebulto at mga tulad nito. Kaya hindi maaaring sasabihin natin na ito ay Wasilah (daan), bagkus ito ay malaking Shirk, nakapagtitiwalag sa pananampalataya.

Sinabi ng Allah: {At sinuman ang manalangin (sumamba) sa iba pang diyos na itatambal sa Allah, na wala naman siyang katibayan dito, magkagayon, ang kanyang pagtutuos ay tanging sa kanyang Panginoon lamang. Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya ay hindi magsisipagtagumpay!}.  (Qur'an 23:117)

Samakatuwid, binansagan ng Allah ang humihiling na ito na isang Kafir.

 

Search Videos

Ang lahat po ng larawan na naitala o makikita dito ay kabahagi lamang ng mga ibat ibang programa o activities ng aming Islamic Dawah Center.

 

Go to top