TABARRUK (Pagpapabiyaya) SA PAMAMAGITAN NG MGA POOK, MGA ALAALA AT MGA TAO, BUHAY MAN O PATAY.
Kabilang sa makabagong mga gawa-gawang Bid’ah ay ang Tabarruk sa pamamagitan (ng inaakalang kapangyarihan) ng (ilang) mga nilalang (na makapagdulot niyon). Ito ay isa sa mga uri ng paganismo at isang lambat na ipinambibitag ng mga gahaman sa salapi ng mga uto-uto sa mga tao. Ang Tabarruk ay paghiling ng Barakah (pagpapala) at ang Barakah naman ay pananatili at paglago ng biyaya sa isang bagay.
Ang paghiling ng pananatili at paglago ng biyaya ay inuukol lamang doon sa nagmamay-ari niyon at may kakayahang magbigay niyon at iyon ay ang Allah. Siya ang nagbababa ng biyaya at nagpapanatili niyon, sa kabilang dako ang nilalang ay walang kakayahang magbigay at magpalitaw ng biyaya ni magpamalagi at magpanatili niyon. Samakatuwid, ang Tabarruk sa pamamagitan ng mga pook, mga alaala, (ang alaalang tinutukoy natin dito ay ang anumang bagay na may kaugnayan sa isang tao tulad ng kanyang kasuutan, bahay, labi, larawan at mga tulad nito.) at mga tao, buhay man o patay ay hindi ipinahihintulot, sapagkat iyon ay maaaring Shirk kung paniniwalaan na ang bagay na iyon ay nakapagbibigay ng biyaya, o isang daan patungong Shirk kung paniniwalaang ang pagdalaw roon, paghipo niyon at paghaplos sa katawan ng ipinahipo roon ay nagsisilbing dahilan sa pagtamo ng biyaya mula sa Allah.
Tungkol naman sa ginagawa ng mga Sahabah na Tabarruk sa pamamagitan ng buhok ng Propeta (saw), ng kanyang laway at anumang nahiwalay sa kanyang katawan, iyon lamang ay noong sandaling nabubuhay pa siya at kapiling pa nila batay sa katunayan na ang mga Sahabah ay hindi nagpapabiyaya sa pamamagitan ng kanyang silid at kanyang puntod noong namatay na siya. Hindi rin sila nagsasadya sa mga lugar na dinadasalan niya o tinitigilan niya upang sa pamamagitan niyon ay magtamo sila ng biyaya.
At ganoon din ang mga pinaglibingan ng mga Wali, lalong karapat-dapat na hindi puntahan sa layuning magpabiyaya, at hindi rin sila nagpapabiyaya sa pamamagitan ng mga mabubuting tao tulad nina Abu Bakar at Umar at iba pang mga magagaling na Sahabah, noong buhay pa man ang mga ito at noong patay na ang mga ito. Hindi rin sila nagpupunta sa yungib ng Hira’ upang magdasal doon o manalangin doon, at hindi rin sila nagpupunta sa bundok na Tur, na doon ay kinausap ng Allah si Musa (Moises), upang magdasal doon at manalangin; at sa iba pang mga lugar at mga bundok na sinabing pinuntahan o pinaglibingan ng mga Propeta at iba pang banal na tao, at hindi rin sila nagpupunta sa isang Mash-had na itinayo sa ibabaw ng alaala ng isa sa mga Propeta.
Karagdagan pa roon, ang lugar na laging dinadasalan ng Propeta (saw) sa Madinah ay hindi hinihipo o hinahalikan ng isa man sa mga mabubuting sina-unang ninuno, ni ang lugar na dinasalan niya sa Makkah at sa iba pang lugar. Kapag ang lugar na inapakan ng kanyang mga marangal na paa at dinasalan niya ay hindi nga itinatagubilin sa kanyang mga tagasunod na haplusin iyon upang ipamunas sa katawan (sa pag-aakalang iyon ay may biyaya), ni halikan iyon, papaano na lamang ang sinasabing lugar na dinasalan o tinulugan ng iba pa sa kanya? Ang paghalik sa anumang bagay doon at ang paghaplos doon upang ipamunas sa katawan (sa pagaakalang iyon ay may biyaya) ay kusang nalaman na ng mga eskolar na ito ay hindi bahagi ng batas ng Relihiyong Islam.


