ANG KAHANAH AT ARAFAH (Panghuhula sa kung ano ang mangyayari sa hinaharap at Panghuhula sa kung ano ang nangyari na).

Kapwa itong nag-aangking nagtataglay ng kaalaman hinggil sa Ghayb at kabatiran hinggil sa mga bagay-bagay na nakalingid gaya ng mga pagpapabatid tungkol sa kung ano ang mangyayari at magaganap sa lupa at kung nasaan naroroon ang isang bagay na nawawala. Naisasagawa iyon sa pamamagitan ng paggamit ng mga demonyo na panakaw na nakikinig sa langit.

Sinabi ng Allah:  {Ipapaalam Ko ba sa inyo kung kanino bumababa ang mga demonyo?, sila ay bumababa sa bawa't sinungaling na makasalanan, kanilang ipinapasa kung anuman ang (kanilang) narinig (na balita sa kalangitan sa kanilang mga ahente na manghuhula), at ang karamihan sa kanila (mga manghuhula) ay mga sinungaling}. (Qur’an 26:221-223)

At iyan ay sapagkat panakaw na nakikinig ang mga demonyo sa ilan sa mga salita ng mga Anghel at ipinapasa nila ito sa tainga ng mga manghuhula, kasama ng natanggap na salita, gumagawa pa ang isang manghuhula ng isandaang kasinungalingan at pinaniniwalaan naman siya ng mga tao dahil sa isang totoong salitang napakinggan mula sa langit.

Ang Allah ang bukod-tanging nakaaalam sa Ghayb; kaya ang sinumang mag-angking nakikihati sa anuman dito sa pamamagitan ng panghuhula o anupaman o kaya ay maniwala sa sinumang nag-aangking may kaalaman dito, tunay na ginawan na niya ang Allah ng katambal sa bagay na kabilang sa nauukol lamang sa Kanya.

Ang panghuhula ay hindi nawawalan ng Shirk, sapagkat ito ay paglapit sa mga demonyo sa pamamagitan ng paggawa ng naiibigan nila. Kaya ito ay Shirk sa pagkapanginoon ng Allah dahil sa pag-angking nakikihati sa Allah sa Kanyang kaalaman. At Shirk sa pagkadiyos ng Allah dahil sa paglalapit sa iba pa sa Allah sa pamamagitan ng isang gawaing maituturing na bahagi ng pagsamba.

Ayon kay Abu Hurairah (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah), batay sa sinabi ng Propeta (saw): “Ang sinumang magsadya sa isang manghuhula at naniwala rito sa sinasabi nito, sa katunayan siya ay tumalikod na sa pagsampalataya sa ibinaba kay Muhammad (saw)”.

 Ilan sa kailangan bigyang pansin at mapansin: Na ang mga mangkukulam at mga manghuhula ay pinaglalaruan nila ang mga paniniwala ng mga tao, yayamang nagpapanggap silang mga manggagamot at inuutusan nila ang mga may-sakit na maghandog ng mga alay sa iba pa sa Allah sa pamamagitan ng pagkakatay ng isang tupa (halimbawa) na ang katangian ay ganito at gayon o isang manok, o nagsusulat sila para sa mga ito ng mga urasyong maka-shirk at mga bulong na makademonyo, na ikinukuwintas nila o inilalagay nila sa mga baol nila o sa mga bahay nila.

 Ang iba naman ay nagpapanggap na isang tagapagpabatid ng mga nakalingid na bagay o ng mga kinaroroonan ng mga nawawalang bagay. Pinupuntahan siya ng mga mangmang at tinatanong nila siya hinggil sa mga bagay na nawawala at ipinababatid niya sa kanila kung nasaan ang mga iyon o dinadala niya ang mga iyon sa kanila sa pamamagitan ng kanyang mga ahenteng demonyo.

Ang iba naman sa kanila ay nagpapanggap na isang banal na tao na nakagagawa ng mga pambihirang bagay at mga himala tulad ng pagpasok sa apoy nang hindi napapaso (o pagpapatama sa isang sandata o pagpapasagasa sa sasakyan at hindi siya naaano) o iba pang mga kahanga-hangang gawa na kung tutuusin ay salamangka na bahagi ng gawain ni Satanas na pinangyayari niya sa kamay ng mga ito para makapang-akit, o maaari ring ang mga iyon ay mga ilusyon na walang katotohanan, manapa’y mga lihim na panlalalang na ginagawa nila sa harap ng mga tao, tulad ng ginawa ng mga salamangkero ni Paraon sa mga lubid at mga tungkod.

Sinabi ni Shaikh Al-Islam sa kanyang pakikipagdebate sa mga salamangkero na AlBata-iheyah Al-Ahmadiyah Al-Rifa-iyah: “Nagsalita siya (Ang pinuno ng mga salamangkero) nang may mataas na tinig: “Kami ay may mga nagagawang pambihirang bagay na ganito at ganyan.”…. Nagpahayag siya na diumano’y nakagagawa sila ng mga pambihirang bagay tulad ng paglalaro ng apoy at iba pa at namumukod-tangi sila sa paggawa niyon, at sila ang karapat-dapat pagkakamitan ng pagwagi alang-alang dito.

Sinabi ni Shaikh Al-Islam: Aking sinabi at itinaas ang tinig na pagalit: “Kinakausap ko ang lahat ng Ahmadi (ang tawag sa mga salamangkerong kadebate niya) magmula sa silangan ng mundo hanggang sa kanluran nito; ang anumang gagawin ninyo sa apoy ay akin ding gagawin ang katulad sa gagawin ninyo at ang sinumang mapapaso ay talo. (Maaari ring ang nasabi ko ay mapasakanya ang sumpa ng Allah), ngunit pagkatapos na mahugasan ang aming mga katawan ng suka at mainit na tubig.” At tinanong ako ng mga pinuno at mga tao tungkol doon.

Sinabi ko: “Sapagkat mayroon silang ginagamit na mga panlalalang sa pagdiit sa apoy, na ginagawa nila buhat sa mga bagay na mula sa langis (ng taba) ng mga palaka, balat ng naranj (naranghita) at talko (talcum powder). Dahil doon ay nagkaingayan ang mga tao. Kaya naman nagsimula siya na magpanggap na may kakayahang gawin iyon.

Ang sabi niya: “Tayo ay pabalot sa isang banig matapos na mapahiran ang ating mga katawan ng asurpe”. Kaya sinabi ko: “Tumayo ka”. Inulit-ulit ko sa kanya na tumayo para gawin iyon.

Inunat niya ang kanyang kamay upang magkunwaring maghuhubad ng damit.

Sinabi ko: “Huwag! Hangga’t hindi ka nakapaghuhugas ng mainit na tubig at suka”. At nabuko ang kanilang ilusyon na nakagawian na nila.

Ang sabi niya: “Ang sinumang nagmamahal sa prinsipe ay magdala ng kahoy (o maaaring ang sinabi niya ay isang bigkis ng panggatong)”.

Ang sabi ko: “Itong (ginagawa mo) ay pagpapahaba ng usapan at paghahati sa pagkakaisa at hindi sa pamamagitan nito natatamo ang nilalayon; bagkus ang dalhin ay isang kandila na nakasindi at ipapasok ko sa apoy ang aking daliri kasama ng iyong daliri matapos na mahugasan. At ang sinumang daliri ang masunog ay mapasakanya ang sumpa ng Allah (o maaaring ang nasabi ko ay siya ang talo)”.

Nang nasabi ko iyon ay nagbago ang kanyang anyo at napahiya. Ang nilalayon ng salaysay na ito ay magbigay-linaw na ang mga manunubang ito ay nagsisinungaling sa mga tao sa pamamagitan ng mga lihim na panlalalang na ito.