AT-TAWASSUL (Ang pagtakda ng daan o dahilan)

Ang Tawassul sa palawikaang pananaw:

Ito ay hinango mula sa salitang Al-Wasilah. At ang Wasilah ay ang daan (o dahilan) na siyang naghahatid tungo sa nilalayon.

Ito ay may dalawang uri:

Una: Pagsamba na ang pinatutukuyan dito ay ang pagtamo ng kagalakan ng Allah at Paraiso.

At dahil dito, ating sinasabi na: Lahat ng uri ng pagsamba ang siyang daan tungo sa kaligtasan mula sa Apoy at pagpasok sa Paraiso.

Pangalawa: Hinango mula sa salitang Wasilah (daan): Ang anumang itinatakda na daan (o dahilan) upang matugunan ang panalangin.

At ito ay may mga bahagi:

1) Ang pagtatakda ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng kanyang mga Pangalan, maging ito man ay sa pamamagitan ng pangkalahatang mga pangalan o sa isang partikular na pangalan mula rito.

Ang halimbawa ng una: Ang Tawassul sa pamamagitan ng pangkalahatang mga pangalan: Ayon sa napatunayan sa isang tumpak na Hadith, Si ibn Mas`uod (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah) ay nag-ulat tungkol sa panalangin ng pagkabalisa at kalungkutan:

[O Allah! Tunay na ako ay Iyong alipin, anak ng Iyong alipin na lalaki, anak ng Iyong alipin na babae, ang aking bumbunan (buhay) ay nakasalalay sa Iyong kamay, ang aking nakaraan ay nasa ilalim ng Iyong kapasiyahan, katarungan ay nasa Iyong kahatulan, aking hinihiling sa Iyo, o Allah! Sa pamamagitan ng lahat na pangalan na Iyong taglay na siyang ipinangalan Mo sa Iyong sarili, o kaya sa ibinaba Mo sa Iyong aklat na siyang itinuro Mo sa isa sa Iyong mga nilalang, o kaya sa tanging inangkin Mo lamang sa kaalaman ng Ghaib (lingid) na nasa Iyo, na gawin ang dakilang Quran na bumubukal sa aking puso, liwanag ng aking dibdib, papawi ng aking kalungkutan at aalis ng aking pagkabalisa’t dalamhati].

Ang punahin sa Hadith ay ang sinabi niyang: [Sa pamamagitan ng lahat na pangalan na Iyong taglay].

Kaya ang sasabihin natin ay ganito: “O Allah! Katotohanang ako’y humihiling sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong naggagandahang mga Pangalan”.

Ang patunay nito ay ang sinabi ng Allah: ُ{At taglay ng Allah ang mga mabubuting pangalan, kaya’t manawagan kayo sa Kanya sa pamamagitan ng mga ito}. (Qur'an 7:180)

At ang halimbawa ng ikalawa: Ang Tawassul sa pamamagitan ng partikular na pangalan, tulad ng iyong pagsabi: “O Mapagpatawad! Patawarin Mo po ako, O Maawain ! Kaawaan Mo po ako, O Allah! Tunay pong Ikaw ay mapagpaumanhin, Iyo pong kinalulugdan ang pagkamapagpaumanhin, kaya’t ipagpaumanhin Mo po ako”.

2) Ang paggawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng Kanyang mga katangian, maging ito’y pangkalahatan o pangpartikular. Ang ilan sa mga katangian ay nauugnay sa gawa, sapagkat ang mga gawa ay katangian.

Ang halimbawa nito: Tulad ng iyong pagsabi: “O Allah! Tunay po na ako’y humihiling sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong mga magagandang pangalan at matataas na katangian”.

Ang ganitong Tawassul ay tama. Gayundin naman na ang Tawassul sa pamamagitan ng mga katangian ay maaaring maging pangkalahatan o partikular.

Ang halimbawa ng pangkalahatan ay katulad ng nasa unang nabanggit.

At ang halimbawa naman ng partikular ay katulad ng iyong pagsabi: “Ako’y nagpapakupkop sa pamamagitan ng kataas-taasan ng Allah at ng Kanyang kapangyarihan laban sa anumang masama na aking matagpuan at iniiwasan”.

Pagmasdan! Nasasaad dito ang Tawassul sa pamamagitan ng mga katangian ng Allah. At ang ibang halimbawa ng Tawassul sa pamamagitan ng gawa ay tulad ng: (O Allah! Pagpalain mo po si Muhammad at ang mga pamilya ni Muhammad tulad ng Iyong pagpala kay Ibrahim at sa pamilya ni Ibrahim). Samakatuwid, ikaw ngayon dito ay humihiling sa Allah ng Kanyang pagpapala na siyang ipinagkaloob Niya kay Ibrahim at sa mga pamilya ni Ibrahim na ito’y ipagkaloob din nawa kay Muhammad at sa mga pamilya ni Muhammad.

3) Ang paggawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng paniniwala sa Kanya at sa Kanyang Sugo.

Sasabihin niya: “O Allah! Sa pamamagitan ng aking paniniwala sa Iyo at sa Iyong Sugo, ako’y humihiling sa Iyo ng ganito’t ganyon”.

Ang ganitong Tawassul ay tama.

Ang patunay nito ay batay sa sinabi ng Allah: َ{Katotohanan! Sa pagkakalikha ng mga kalangitan at kalupaan, at sa pagsasalitan ng gabi at araw, katiyakang naririto ang mga Tanda para sa mga (taong) may pangunawa …… Aming Panginoon! Katotohanang aming narinig ang isang nag-aanyaya (Muhammad), na nananawagan sa Pananampalataya: Manampalataya kayo sa inyong Panginoon, at kami ay sumampalataya. Aming Panginoon! Patawarin Mo kami sa aming mga kasalanan at ipagpaumanhin Mo ang aming kasamaan, at bawiin ang aming buhay na kasama ng mga matutuwid na nananampalataya}.  (Qur'an 3:190…193)

Ibig sabihin: Sa pamamagitan ng paniniwala namin sa Iyong Sugo, pagkalooban Mo po kami ng kapatawaran. Samakatuwid ginawa nila ang paniniwala sa Kanya bilang daan para sa kanilang kapatawaran. Kaya ang paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng paniniwala sa Allah, at sa Kanyang Sugo (saw), at sa pamamagitan ng pagmamahal sa Allah at sa Kanyang Sugo (saw) ay ipinapahintulot. Sa kadahilanang ang paniniwala sa Allah ay isang dahilan na maghahatid sa kapatawaran. Gayon din ang pagmamahal sa Allah at sa Kanyang Sugo (saw). Kaya ipinahihintulot ang Tawassul sa Allah sa pamamagitan nito.

4) Ang paggawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng kalagayan ng taong nagsusumamo.

Ibig sabihin: Na ang gumawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng kanyang kalagayan, at hindi babanggit ng anuman; tulad ng kanyang pagsabi: “O Allah! Katotohanang ako ang nangangailangan sa Iyo, O Allah! Katotohanang ako’y isang bihag na nasa ilalim ng Iyong kapangyarihan”…. At iba pa na mga katulad nito.

Ang patunay nito ay ang pagsabi ni Moises (Sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan) nang kanyang tulungan ang dalawang babae para kumuha ng inumin, at pagkaraan ay nagtungo siya sa lilim ng isang kahoy, at kanyang sinabi: ِ{Aking Panginoon! Katotohanang ako ay lubhang nangangailangan ng anumang mabuting bagay na Iyong ipagkakaloob sa akin!}.  (Qur'an 28:24)

Punahin! Siya ay hindi bumanggit ng anupaman. Ang ipinapapahiwatig ng talatang ito’y kapag ang kalagayan ng taong nananalangin ay kanyang isinalarawan, samakatuwid ito ay nangangailangan ng habag, pagmamahal at kabutihang loob lalung-lalo na kapag ka siya ay sa harap ng Pinakamaawain sa lahat ng mga maawain, Kapita-pitagan at Kataas-taasan.

5) Ang paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng panalangin ng isang taong kaasam-asam ang katugunan ng panalangin: Ang patunay nito’y isang makatotohanang ulat ayon kay Muslim, Nang ang Propeta Muhammad (saw) ay nagbibigay ng Talumpati sa mga tao sa araw ng Biyernes, may pumasok na isang lalaki at tumungo kaagad sa Propeta (saw) at siya ay nagsabi: “O Sugo ng Allah! Ang mga ari-arian ay nawasak, at ang mga daan (ng pag-asa) ay naputol, kaya humiling ka sa Allah na bigyan tayo ng ulan. Kaya’t itinaas ng Propeta (saw) ang kanyang dalawang kamay, at kanyang sinabi: “O Allah! Bigyan Mo po kami ng ulan, o Allah! Bigyan Mo po kami ng ulan” 3x.

Si Anas ibn Malik ay nagsabi: “Sumpa man sa Allah! Wala kaming nakikita sa langit na anumang ulap ni kulimlim (magkalumpoklumpok na ulap), walang bahay at tahanan sa pagitan namin at ng bundok na Sal`a….kanyang sinabi: At lumitaw pagkatapos nito ang isang ulap na tulad ng kalasag, at nang ito’y pumagitna sa langit, kumalat at pagkatapos ay umulan, at hindi pa nakababa ang Propeta (saw) mula sa kanyang kinatatayuang Mimbar maliban na ang ulan ay pumapatak na mula sa kanyang mga balbas.

6) Ang paggawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng mabuting gawain, at ito ay ang pagbanggit ng tao ng mabuting gawain sa gitna ng kanyang panalangin na siyang maging dahilan upang makamtan ang mimimithi.

Ang halimbawa nito: Ang kuwento ng tatlo na siyang isinalaysay ng Sugo (saw), tatlong tao mula sa angkan ng Israel na idinulog sila ng pangangailangan ng pamamahinga sa kuwebang Gar, at sila ay pumasok sa kuweba, subalit ninais ng Allah batay sa Kanyang malawak na layunin, na sa kanila ay sasara ang isang malaking bato, bilang isang pagsubok, pagsulit at aral sa Kanyang mga alipin. Sumara sa kanila ang malaking bato, at sinubukan nilang itulak ito, subalit hindi nila nakaya, at ang sabi ng isa sa kanila sa iba:

“Katiyakang hindi ito ang makapagpapalabas sa inyo rito, maliban na kung kayo ay gumawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng mga mabubuting gawain ninyo”. Kaya sila ay gumawa ng Tawassul sa Allah sa pamamagitan ng kanilang mga mabubuting gawa.

Ang sabi ng isa sa kanila:

“O Allah! Noon ay may dalawa akong magulang na matatanda, at ang aking kaugalian ay ang hindi maglingkod sa kaninuman na mauna sa kanila, sa kamag-anakan ni sa kayamanan At isang gabi akin silang natagpuan na kapwa natutulog, at aking kinasuklaman ang mag-abot ng inumin sa gabi sa kaninuman na mauna sa kanila, kaya nanatili ang pitsel sa ibabaw ng aking mga kamay hanggang sa lumiwanag ang madaling araw, at pagkatapos ay nagising sila at aking pinainum. O Allah! Tunay na aking ginawa ito bilang paghangad sa Iyong Mukha (kagalakan), kung kaya’t ilabas Mo kami sa aming kinalalagyan ngayon, at umusog ang bato ng kaunti, subalit hindi pa rin nila kayang lumabas.

Ang ikalawa naman sa kanila: Binanggit nito na mayroon siyang pinsan na babae at kanyang lubos na nagugustuhan ito, kaya hinangad niya ang sarili nito, subalit tumanggi ito. At pagkatapos makaraan ang ilang taon, dumating sa babae ang labis na pangangailangan, kaya’t tumungo siya sa lalaki upang hilingin sa kanya na punuan ang kanyang pangangailangan, subalit hindi niya tinugunan ito maliban na lamang kung ipagkaloob niya ang sarili niya sa kanya – (at dahil sa tindi ng pangangailangan) – kanyang ipagkakaloob ang kanyang sarili, at nang handa nang angkinin ng lalaki ang kanyang pagkababae ng tulad ng pag-aangkin ng isang lalaki sa kanyang asawa.

Sinabi (ng babae) sa kanya: “O ikaw na lalaki! Matakot ka sa Allah, huwag hayaang sirain ng sinuman ang singsing maliban sa may karapatan nito”. Ito’y isang dakilang salita na nakabibighani ng kalooban.

Siya ay nagsabi: “Ako ay tumayo palayo sa kanya, samantalang siya na ang pinakamamahal kong tao”. – Ibig sabihin: Pinakawalan niya ito, hindi dahil sa hindi niya siya nagustuhan, bagkus pinakawalan niya ito dahil sa takot niya sa Allah nang banggitin nito sa kanya, at agad ay ibinigay sa kanya ang pangangailangan nito.

Samakatuwid, pinag-isa ng lalaking ito ang kaganapan ng kabutihang loob at pag-ugnay sa mga kamag-anak. – Pagkatapos ay kanyang sinabi: “O Allah! Tunay na aking ginawa iyon alang-alang sa paghahangad ng Iyong mukha, kaya’t palabasin Mo na kami sa kinalalagyan naming ito”.

Gumulong ang bato, subalit hindi pa rin sila nakakalabas. Tungkol naman sa ikatlo: Nabanggit nito na siya ay may mga taong pinapasahuran, at nang maibigay na niya ang sahod ng bawat isa sa kanila maliban sa iisa, hindi niya ito naibigay sa kanya ang sahod nito. Kaya pinalago niya ito hanggang sa dumami ng dumami ang mga kamelyo, tupa, baka at mga alipin. Hanggang isang araw ay dumating sa kanya ang manggagawa na kinukuha nito ang sahod niya.

Siya ay nagsabi sa kanya: “Ang lahat ng iyong nakikita na mga kamelyo, tupa at mga alipin ay pag-aari mong lahat”. Kaya ang sinabi sa kanya ng lalaki: “Matakot ka sa Allah! Huwag kang mangutya sa akin”.

Muli siya ay nagsabi: “Hindi ako nangungutya sa iyo, sapagkat ito ang sahod mo”. Kaya masayang kinuha ito ng lalaki at dinala niya lahat.

Kung gayon nagtataglay ang lalaking ito ng pambihirang katangian sa pamamagitan ng kanyang ginawa at katapatan, sapagkat puwede naman niyang gawin na kung kailan dumating ito sa kanya at hiningi ang sahod nito ay ibigay sa kanya ang sahod lamang nito, sa gayon sapat na. Subalit, dahil sa kanyang katapatan at mapagkakatiwalaan, ibinigay nito sa kanya ang lahat ng inunladan ng sahod nito.

Pagkaraan ay kanyang sinabi: “O Allah! Tunay na aking ginawa ito bilang paghahangad ng Iyong mukha, Kaya nawa’y palabasin Mo na kami sa kinalalagyan naming ito”. Kaya gumulong ang bato at nakalabas silang lahat na naglalakad. Samakatuwid, kapag sinabi ng isang tao: “O Allah! Tunay na ako ay humihiling sa Iyo sa pamamagitan ng mga nagawa kong kabutihan sa aking mga magulang, na sana ay pagkalooban Mo rin ako ng gabay upang mabuti rin akong pakitunguhan ng aking mga anak……Ang ganitong Tawassul ay tama, ito ang Tawassul sa pamamagitan ng mabuting gawa.

Datapuwa’t tungkol naman sa parteng hindi maaaring gawing Tawassul sa Allah, ito ay kung hindi matatawag na Wasilah sa kalikasan mismo nito.

Tulad halimbawa ng paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng personalidad ng Propeta (saw), o sa kanyang katayuan, sapagkat ito ay hindi magdudulot sa iyo ng kapakinabangan. Ang katayuan ng Sugo (saw) at ang kanyang kinalalagyang antas doon sa Allah ay tanging ang Sugo lamang ang makikinabang nito, at ikaw ay walang mapapala dito ng anumang kapakinabangan at lalung-lalo na sa kanyang pagkatao. Samakatuwid, ito’y bilang pagtuturo na ang paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng Propeta (saw) sa ngayon ay hindi tumpak.

Sa katunayan, ang mga Sahabah noon ay nakaranas ng tag-tuyo’t sa kapanahunan ni Umar ibn Al-Khattab (Sumakanya nawa ang kaluguran ng Allah), siya ay lumabas upang magsagawa ng Salah para sa ulan na kasama sila, at kanyang sinabi: “O Allah! Katotohanang kami noon ay gumagawa ng Tawassul sa Iyo sa pamamagitan ng aming Propeta (saw) at pinagkalooban Mo kami ng maiinom (ulan) – at kami ngayon ay gumagawa ng tagapamagitan sa Iyo sa pamamagitan ng tiyuhin ng aming Propeta, kaya pagkalooban Mo kami ng ulan na maiinom, tumayo si Al-Abbas ibn Abdul Muttalib na humihiling sa Allah ng ulan at sila ay pinagkalooban Niya ng ulan na maiinom.

Ito’y isang patunay na ang kahulugan ng paggawa ng Tawassul sa pamamagitan ng Propeta (saw), na siyang napatunayan sa kanyang mga kasamahan ay sa pamamagitan ng kanyang panalangin at hindi sa kanyang pagkatao.

Tungkol naman sa paggawa ng Tawassul ng mga Mushrik (nagtatambal sa kaisahan ng Allah) sa pamamagitan ng mga rebulto nila at imahen, at ng mga mangmang sa pamamagitan ng kanilang mga Auliya’ (dinadakilang mga tagapagtanggol atbp.) ito ay Tawassul na maka-shirk, hindi natin masasabi na ito ay Bid’a na Tawassul, bagkus ito ay Tawassul na maka-shirk, at hindi nararapat na ito ay ating tawaging Tawassul, datapuwat ito ay Shirk na tunay. Sa dahilang ang mga gumagawa ng Tawassul na yaon ay nananalangin sila mismo sa sinumang inaakala nilang ito ay Wasilah (daan). Pupunta ang isang lalaki sa inaakala niyang ito ay Wali (taong relihiyuso na taga-pagtanggol ng Allah) at kanyang sasabihin:

“O Wali ng Allah! Iligtas mo ako”. – (sa ganitong pagbigkas) – “O mag-anak ng bahay (ng Propeta saw! Iligtas ninyo ako, O Propeta ng Allah! Iligtas mo ako”. Samakatwid ito’y hindi natin puwedeng tawagin na Wasilah (daan), ngunit ang maitatawag natin dito ay Shirk, dahil ang pananalangin sa iba bukod sa Allah ay Shirk sa pananampalataya, at kawalan ng katinuang pag-iisip. Ito ay Shirk sa pananampalataya sa dahilang sila ay gumagawa ng katambal na itinatambal nila sa Allah, tunay na ito ay kawalan ng katinuang pag-iisip.

Sapagka’t ang Allah ay nagsabi: {At sino pa kaya ang higit na naliligaw, sa kanya na nananawagan sa iba bukod sa Allah, sa hindi makapagtutugon sa kanya ng kasagutan hanggang sa Araw ng Pagbabangong Muli, at sila sa kanilang mga panawagan ay nakalilingat?}.  (Qur'an 46:5)

At sa Araw ng Pagbangon Muli, sila ay hindi makapagdudulot ng kapakinabangan para sa kanila.

Ang Allah ay nagsabi: {At kapag ang sangkatauhan ay tipunin nang sama-sama, sila (na mga huwad na diyus-diyosan) ay magiging kaaway nila, at sila ay magkakaila sa pagsambang iniukol sa kanila}.  (Qur'an 46:6)

Inilarawan ng Allah ang mga pinaghihilingan na ito na sila ay walang kakayahan, ni hindi sila makakapagtugon kailanman hanggang sa Araw ng Pagbangon Muli kung kailan sila ay humihiling sa mga ito. At sila ay nakakaligta, ni hindi nila nalalaman kung sinu-sino ang humihiling sa kanila, ni hindi rin nakakaramdam ng anuman sa mga iyon. Gayundin, sa Araw ng Pagbangong Muli – Panahon ng tunay na pangangailangan – kapag ang mga tao ay titipunin na lahat, sila (ang mga rebulto) ay magiging kalaban nila, sapagkat itatakwil ng mga ito ang pagsamba nila sa kanila, tulad ng paghiling sa mga Auliya’, mga rebulto at mga tulad nito. Kaya hindi maaaring sasabihin natin na ito ay Wasilah (daan), bagkus ito ay malaking Shirk, nakapagtitiwalag sa pananampalataya.

Sinabi ng Allah: {At sinuman ang manalangin (sumamba) sa iba pang diyos na itatambal sa Allah, na wala naman siyang katibayan dito, magkagayon, ang kanyang pagtutuos ay tanging sa kanyang Panginoon lamang. Katotohanan, ang mga hindi sumasampalataya ay hindi magsisipagtagumpay!}.  (Qur'an 23:117)

Samakatuwid, binansagan ng Allah ang humihiling na ito na isang Kafir.