Matuto Tungkol sa Islam: 

Ano ang Islam?

 

Ang kahulugan ng Islam ay ang kusang-loob na pagsuko sa Allah, sa Kanyang Kaisahan (sa Pagka-Diyos) bilang pagsunod sa Kanya, at itakwil ang anumang uri ng pagbibigay sa Kanya ng katambal, karibal at tagapamagitan. Ito ay isang pananampalatayang nagtuturo ng kahinahunan, paggalang sa pananampalataya ng iba, at kagaanan. Winika ng Allah:

Ang Allah (Ito ay nangangahulugan ng Kaluwalhatian sa Kanya) ay naglalayon na gawing magaan ito para sa inyo at hindi Niya ninanais na gawing mahirap ang mga bagay para sa inyo. (Qur'an, al-Baqarah 2:185)


Ang Islam ay isang relihiyon kung saan ang bawa’t isa ay magkakaroon ng pang-espiritwal na kasapatan at may kapanatagan ng puso. Winika ng Allah :

Yaong mga naniwala at ang mga puso ay natagpuan ang kapanatagan sa pamamagitan ng pag-alaala sa Allah: Kataotohanan, sa paggunita sa Allah natatagpuan ng mga puso ang katiwasayan. (Qur'an, ar-Ra'd 13:28)


Ang Islam ay relihiyon ng habag at pagkalinga. Ang Sugo (Ito ay nangangahulugan ng Sumakanya nawa ang Kapayapaan at Pagpapala) ay nagwika:

“Ang Mahabagin – Allah ay nagbibigay ng habag sa mga nagpapakita ng habag. Ibahagi ang inyong awa sa mga nasa kalupaan, at kahahabagan din kayo ng Nag-iisang Diyos na nasa itaas ng mga kalangitan.” (Tirmidhi (Ang lahat ng pangalan na nasa panaklong sa dulo ng bawa’t mga winika ng Propeta ay pangalan ng mga paham na nagtipon ng mga winika ng Propeta mula sa kanyang mga kasama at itinala ang mga ito sa mga aklat))


Ang Islam ay relihiyon ng pagmamahal at ang pagnanais ng kabutihan para sa iba. Ang Sugo (r) ay nagsabi:

“Ang pinakamamahal na tao para sa Allah ay yaong pinakamapagmahal sa iba.” (Tabaraani)


Ang Islam ay isang relihiyon na walang kalituhan o kalabuan tungkol dito. Ang Allah ay nagwika:

At hindi Kami nagpadala ng nauna sa iyo maliban sa pinadalhan Namin ng kapahayagan. Kaya tanungin ang mga angkan ng kasulatan kung ito ay hindi ninyo nalalaman (Qur'an, an-Nahl 16:43)


Ang Islam ay isang relihiyon para sa lahat, sapagka’t ito ay panawagan sa buong sangkatauhan, hindi lamang sa natatanging lahi, tribu o lugar. Ang Allah ay nagwika:

At hindi ka Namin isinugo (O Muhammad) maliban sa buong sangkatauhan bilang isang tagapagbigay ng magagandang balita at isang tagapagbabala, subali’t karamihan sa tao ay hindi nakababatid (nito).  (Qur'an, Saba' 34:28)


Ang Islam ay isang relihiyon na pumapawi sa lahat ng nakaraang kasalanan. Ang Sugo r ng Allah ay nagwika: “Ang Islam ay pumapawi sa lahat ng (kasalanang) nagawa bago pa ito.” (Muslim)

Ang Islam ay isang lubos at ganap na relihiyon na nagpawalang-bisa sa lahat ng mga naunang kapahayagan, at ito ang huling pananampalataya. Winika ng Allah sa Banal na Qur’an:

Sa araw na ito, Aking ginawang ganap ang inyong relihiyon para sa inyo, at Aking ginawang lubos ang pagpapala sa inyo at pinili para sa inyo ang Islam bilang inyong relihiyon.  (Qur'an, al-Ma'idah 5:3)


Ang Islam ay nagtataglay ng ilang gawaing pagsamba kabilang na rito ang pagbigkas, pagkilos at mga gawaing pagsamba. Ang mga pagganap na ito ay nagsisilbing isang mahalagang gampanin sa paglilinang ng pag-aasal, sa paglilinis ng kaluluwa, sa pagpapabuti ng bawa’t isa, sa pagpapanatili ng dangal at sa pagkakaisa ng pamayanang Muslim.

Ano ang Kanilang Sinasabi Tungkol sa Islam?

Mababasa sa aklat ni W. Montgomery Watt na may pamagat na «What is Islam?» ang mga sumusunod na pangungusap:

“Ang maling pagpapalagay at hindi tamang opinyon (prejudice) ay isa sa mga sagabal na dapat harapin ng sinumang mag-aaral mula sa mga bansang Amerika at Europa sa kanilang pag-aaral tungkol sa Islam. Sa sandaling magsimula siyang ipahayag na ang Islam ay ‘ang pananampalataya ng Banal na Qur’an’ o kaya naman ay ‘ang relihiyon ng halos na apatnaraang milyong Muslim sa kasalukuyan’, siya ay nagmumungkahi ng isang kaurian na hindi naaangkop. Ano nga ba ang kahulugan ng relihiyon ngayon sa mga taga-kanluran? Ang kalimitang sagot, para sa mga karaniwang tao, ay nangangahulugan lamang ng paglalaan ng mga ilang oras sa araw ng linggo sa pagganap ng pagsamba na nagbibigay sa kanya ng ilang tulong at lakas sa pagharap ng mga suliranin sa araw-araw na pamumuhay, na naghihikayat sa kanya na maging mabuti sa ibang tao at magpanatili sa mga kinikilalang mga pamantayan ng moralidad. Wala itong kaugnayan sa kalakalan, pulitika at ugnayang pang-industriya. Manapa’y nagpapatatag ito ng kasiyahang-loob sa mga higit na mayayamang tao at nagdudulot ng kayabangan, kahambugan at kapalaluan. Ang mga taga-Europa ay maaaring tingnan ang relihiyon bilang isang pampakalma na binuo ng taong mapagsamantala sa karaniwang tao upang panatilihin sila sa pagkalupig at pagkasakop. Kay layo ng pagkakaunawa ng mga Muslim sa kahulugan ng talata (Qur'an, Ali Imran 3:19):


“Ang tunay na Relihiyon para sa Allah ay Islam.” Ang salitang isinalin bilang relihiyon ay ‘Deen’, kung saan ang kahulugan sa wikang Arabik ay ganap na panuntunan ng buhay. Hindi ito isang pansarili o pribadong bagay na indibidwal na tumutukoy lamang sa hangganan ng kanilang pansariling buhay, bagkus ito ay isang panuntunan na sakop kapwa ang pribado at pampublikong pamumuhay, isang panuntunang laganap sa kabuuan ng pamayanan sa paraang nauunawan ng mga tao. Lahat ng ito ay nasa iisang katuruan o doktrina, mga uri ng pagsamba, pampulitikang pananaw, detalyeng katuruan sa pag-uugali, kasama na rin dito ang mga bagay na itinuturing ng mga taga-Europa bilang tuntuning kalinisan at kabutihang-asal.”1 (Tingnan ang Sanggunian sa huling mga pahina)