Sampung Punto para sa Pag-aayuno (Artikulo)


Mayroong mga mahahalagang punto na dapat maunawaan sa pag-aayuno sa buwan ng Ramadan para makuha ng lubos ang mga pakinabang mula sa karunungan at mga aral na makakamit natin sa mabiyayang buwan na ito, na kung saan si Allah ay ibinaba ang Kanyang huling kapahayagan, ang Qur’an.


Isaalang-alang una ang mahalagang pahayag ng ating Propeta Muhammad [sumakanya ang kapayapaan at mga biyaya], sa kanyang sinabi:

“HUWAG HAYAAN NA ANG ARAW NG PAG-AAYUNO AY MAKATULAD NG ARAW NA HINDI KA NAG-AAYUNO.”
Ang tinutukoy niya ay tungkol sa ating mga asal at pag-uugali na magkatulad kahit tayo ay nag-aayuno o hindi nag-aayuno na parang walang epekto sa atin. Pakatandaan natin ito sa ating isipan habang isinasaalang-alang natin ang mga sumusunod na sampung punto ng pag-aayuno sa Ramadan, InshaAllah.

Isa sa mga minamahal nating guro ng Islam, si Dr. Tamimi, isang estudyante ng kaalaman ng Madinah at si Dr. Jafar Idris, ay naglabas ng kaaya-aya at mapapakinabangang mga panayam tungkol sa kahalagahan at mga gantimpala ng pag-aayuno sa Ramadan. Ang mga sumusunod ay batay sa ilang napakahusay na kaalamang ito:

1. Pagkakamit ng Taqwa [pangingilag kay Allah]

Si Allah ay isinabatas ang pag-aayuno para magkamit ng taqwa,

“O mga sumampalataya, ipinag-utos sa inyo ang pag-aayuno gaya ng pag-uutos nito sa mga nauna sa inyo nang harinawa kayo ay magkaroon ng taqwa [mangilag magkasala].”[Maluwalhating Qur’an 2:183]

Ang taqwa dito ay nangangahulugan na magkaroon ng harang sa pagitan ng sarili at galit ni Allah at Impiyernong Apoy. Kung kaya nararapat na tanungin natin ang ating mga sarili, kapag tinatapos na natin ang ating pag-aayuno, “Ang araw ng pag-aayuno na ito ay nagawa bang matakot tayo kay Allah ng higit pa? Ito ba ay nagdulot ng kagustuhan natin na pangalagaan ang ating mga sarili mula sa Impiyernong Apoy o hindi?

2. Pagpapalapit patungo kay Allah

Ito ay makakamit sa pamamagitan ng pagbabasa at pagninilay sa Qur’an sa gabi at araw, pagdalo sa pagdarasal ng tarawih, pag-alaala kay Allah, pag-upo sa mga pagtitipon ng mga may kaalaman, at para sa mga may kakayahan, pagsasagawa ng Umrah. Ganundin para sa kanilang may kakayahan, pagsasagawa ng I’tikaf [pananatili sa masjid] sa huling sampung mga gabi ng Ramadan, upang iwan ang lahat ng makamundong hangarin at mapag-isa sa masjid para lamang alalahanin si Allah, upang mapalapit ang sarili kay Allah. Na ang isang kasalanan, ay nararamdamang nagpapalayo sa sarili mula kay Allah. Yaon ang dahilan kung bakit ang isang tao ay matatagpuan itong mahirap na magbasa ng Qur’an at magtungo sa masjid. Magkagayun, ang masunuring palasamba ay mararamdamang mas malapit kay Allah at gustong sambahin si Allah ng higit pa, dahil siya ay hindi nahihiya [nawawalan na ng pag-asa na mapatawad ni Allah] mula sa kanyang mga kasalanan.

3. Matamo ang pagkamatiisin at matatag na kalooban

Si Allah ay binanggit ang pagtitiis ng mahigit sa pitumpong beses sa Qur’an at ipinag-utos ang pagtitiis ng mahigit sa labing anim na pamamaraan sa Kanyang Aklat. Kung kaya kapag ang isang tao ay nag-aayuno, at tiniis ang pagkain at pag-inom, at pakikipagrelasyong mag-asawa sa mga oras na yaon, siya ay matututo ng pagpipigil at pagtitiis. Ang Ummah na ito ay nangangailangan ng mga kalalakihan at mga kababaihan na may matatag na kalooban, na kayang panindigan ang Sunnah at ang Aklat ni Allah at hindi mag-aalinlangan sa harapan ng mga kaaway ni Allah. Hindi natin kailangan ang mga madramang tao, na nagtataas lamang ng plaka at sumisigaw, subalit kapag ang panahon ay dumating para manindigan para sa isang bagay ng matatag, ay hindi magawa, dahil sila ay nag-aalinlangan.

4. Pagsisikap para Ihsan [kataimtiman] at lumalayo mula sa riya [pakitang-tao]

Ang Ihsan ay nangangahulugan ng pagsamba kay Allah na parang nakikita si Allah, bagamat ang isang tao ay hindi Siya makikita, Siya ay nakikita ang lahat. Si Hassan al-Basri ay nagsabi, “Sumpa man kay Allah, sa nakalipas na dalampung taon, hindi ako nagsabi ng salita o kumuha ng isang bagay sa aking kamay o nagpigil na kunin ang isang bagay ng aking kamay o humakbang pasulong o humakbang paatras, maliban na ako ay nag-isip bago ko pa ginawa ang anumang gawa, “Mahal kaya ni Allah ang gawaing ito? Si Allah kaya ay nalulugod sa gawaing ito?’ Kaya naman kapag ang isang tao ay nag-aayuno ay nararapat na makapulot ng ganitong katangian na pagbabantay sa sarili at ganundin naman ang paglayo mula sa riya [pakitang-tao]. Kaya nga si Allah ay nagsabi sa hadith qudsi: “Ang pag-aayuno ay para sa Akin at Ako ang maggagantimpala dito.” si Allah ay itinangi ang pag-aayuno mula sa lahat ng mga pagsamba na nagsasabing, “Ang pag-aayuno ay para sa Akin”, dahil walang isaman ang nakakaalam kung ikaw ay nag-aayuno o hindi maliban kay Allah. Halimbawa, kung ang isang tao ay nagdarasal o nagbibigay ng kawanggawa o nagsasagawa ng tawaf, maaari siyang makita ng tao, kaya’t maaari niyang gawin ito para purihin ng mga tao. Si Sufyan ath-Thawri ay nagpapalipas ng mga gabi at mga araw na umiiyak at ang mga tao ay tinanong siya, “Bakit ka umiiyak, ito ba ay dahil sa pagkatakot kay Allah? Siya ay nagsabi, ‘Hindi’ Sila ay nagsabi, “Ito ba ay dahil sa pagkatakot sa Impiyernong Apoy?” Siya ay nagsabi, ‘Hindi. Hindi ang pagkatakot sa Impiyernong Apoy ang dahilan ng aking pag-iyak, ang dahilan ng aking pag-iyak ay sinamba ko si Allah sa nakalipas na mga taon at gumagawa ng mga aral ng pantas, at hindi ako nakakatiyak na ang aking layunin ay dalisay para lamang kay Allah.”

5. Paghubog ng mga ugali, higit sa lahat ang pagkamakatotohanan at pagtupad sa mga ipinagkatiwala.

Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Sinuman ang hindi umiwan sa kasinungalingan sa salita at gawa, magkagayun si Allah ay walang pangangailangan na siya ay umiwas sa pagkain at inumin.”

Ang matututunan natin dito, na dapat tayong magtuon ng pansin sa pagpapadalisay ng ating mga pag-uugali. Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Ipinadala ako para ganapin ang pinakamabubuting pag-uugali.”

Kung kaya dapat nating siyasatin ang ating mga sarili, tayo ba ay sumusunod sa gawi ng Propeta ﷺ? Halimbawa: Nagbibigay ba tayo ng Salam sa mga hindi natin kilala at mga kilala natin? Sinusunod ba natin ang mga pag-uugali ng Islam, sa pamamagitan ng pagsasabi ng katotohanan at pagsasabi ng pawang katotohanan lamang? Tayo ba ay tapat? Tayo ba ay maawain sa mga nilikha?

6. Pagkilalang ang isang tao ay maaaring magbago

Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “ANG LAHAT NG INAPO NI ADAN AY NAGKAKASALA AT ANG PINAKAMAINAM SA MGA MAKASALANAN AY YAONG MGA NAGBABALIK-LOOB.”

Si Allah ay nagkakaloob ng mga pagkakataon upang magbalik-loob sa Kanya at humingi ng Kanyang kapatawaran. Kung ang isang tao ay palasuway ay maaari siyang maging masunurin.

7. Pagiging higit na mapagbigay

Si Ibn Abbas ay nagsabi: “Ang Propeta ﷺ ay ang pinakamapagbigay sa mga tao, at higit siyang mapagbigay sa buwan ng Ramadan kapag si Jibril [anghel Gabriel] ay tinatagpo siya tuwing gabi ng Ramadan hanggang sa katapusan ng buwan.”

Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Sinuman ang nagbigay ng pagkain para sa nag-aayuno para tapusin niya ang kanyang pag-aayuno ay matatanggap niya ang katulad na gantimpala ng sa kanya [nag-ayuno], na hindi mababawasan ang gantimpala ng nag-ayuno.”

8. Nararamdaman ang pagkakaisa ng mga Muslim

Ang Propeta ﷺ ay nagsabi: “Yaong mga mabubuhay pagkatapos ko ay makikita ang maraming pagkakaiba. Magkagayun ay humawak sa aking Sunnah at Sunnah ng mga nagabayang mga khalifah [pinuno]. Humawak ng mahigpit dito at manatili dito.

Sa buwang ito ay mararamdaman natin ang posibilidad ng pagkakaisa, dahil tayong lahat ay magkakasamang nag-aayuno, tumitigil na magkakasama, tayong lahat ay sinasamba si Allah ng magkakasama, at nagdarasal ng Salatul Eid ng magkakasama. Magkagayun nararamdaman natin na ang pagkakaisa ng mga Muslim maaaring mangyari. Ito ay maaaring mangyari sa mga Muslim na maging isang katawan, subalit ito ay makakamit lamang kung ang pagsunod ay kay Allah lamang at sa Kanyang Sugo ﷺ.

9. Matuto ng disiplina

Ang Propeta ﷺ ay ginawa tayo na sumusunod sa disiplina at kahigpitan na hindi naman nagdadala sa pagiging panatiko o lumalagpas sa hangganan na inilatag ni Allah. Ang isang tao ay hindi dapat na tinatapos ang pag-aayuno na nalalaman niyang hindi pa lumubog ang araw at ganundin naman hindi niya hahayaan pang dumilim na muna bago kumain ng iftar, dahil hindi ito tatanggapin ni Allah. Ang mga Muslim ay marapat na matutong maging mahigpit sa kanilang mga buhay, dahil sila ay mga tao na may mahalagang mensahe, na dito nila hinuhubog ang kanilang mga buhay.

10. Pagtuturo sa kabataan ng pagsamba kay Allah

Ito ang kasanayan ng mga tao sa Madinah, na sa panahon ng pag-aayuno ng Ashura [na ngayon ay itinatagubilin na mag-ayuno sa araw na ito] na isama ang kanilang mga anak sa pag-aayuno. Kapag ang mga bata ay umiiyak na sa gutom at uhaw, ang kanilang mga magulang ay aabalahin o kukunin ang kanilang pansin sa pagbibigay ng mga laruan upang maglaro sila at malibang. Ang mga bata ay tatapusin ang pag-aayuno kasama ng kanilang mga magulang.

Kaya nararapat na dalhin ang mga kabataan sa masjid at sila ay nararapat na nagdarasal kasama ng kanilang mga magulang, upang sa ganun ay makasanayan nila ang pagiging mga palasamba kay Allah. Kapag ang isang tao ay hindi hinikayat ang kanyang anak para mag-ayuno habang sila ay bata pa, ay matatagpuan nila na napakahirap na mag-ayuno ng tatlumpong araw pagsapit ng kanilang tamang gulang. Ito ay dahilan na ang Propeta ﷺ ay nagsabi, “Utusan ang iyong mga anak na magdasal sa edad na pito at paluin sila sa edad na sampu [kapag hindi nagdasal].”[Hakim]

Mayroon pang dapat na isaalang-alang para sa mga nag-aayuno sa Ramadan, kahit pa hindi ito bagay na kalimitang isinasaalang-alang bilang pangganyak para sundin ang utos ni Allah, at ito ay ang pangpisikal at pangkalusugang mga pakinabang na kalimitang inuugnay sa pag-aayuno.

Tayo ay inutusang na pangalagaan ang ating kalusugan at pagkalooban ang ating katawan ng karapatang higit sa atin. Ang ating Propeta ﷺ, ay sinabi sa atin na ang ating katawan ay may karapatan sa atin at sa isang hadith ay sinabi niya:

“ANG MALAKAS NA MANANAMPALATAYA AY HIGIT NA MABUTI AT HIGIT NA KAMAHAL-MAHAL KAY ALLAH KAYSA SA MAHINANG MANANAMPALATAYA, AT MAYROON KABUTIHAN SA BAWAT ISA SA KANILA.”
Sheikh Yusuf Estes