Kung tutuusin, ang paniniwalang ito ay walang anumang batayan sa mga tinuran ni Hesus (as). Bagkus ang Bibliya ay nagtataglay ng mga talatang sumasalungat sa ganitong paniniwala.
Ayon sa Ebanghelyo ni Juan mababasa ang ganito: "Nang makita siya ng mga punong saserdote at ng mga bantay sila'y sumigaw: Ipako siya sa krus! Ipako sa krus! Ngunit sinabi ni Pilato: Kunin ninyo siya at kayo ang magpako sa krus, para sa akin ay wala akong makitang dahilan upang isakdal siya. Sinagot siya ng mga Hudyo: May kautusan kami, at ayon sa kautusang iyon, dapat siyang mamatay sapagka't nagpapanggap siyang "anak ng Diyos." (Juan 19:6-8)
Ang Ebanghelyo ni Mateo ay kanyang sinimulan ng talaan ng angkan ni Hesus. Siya ay nagsabi: "Ito ang talaan ng angkan ni Hesu-Kristo na mula sa angkan ni David na buhat sa lahi ni Abraham".(Mateo 1:1)
Ang talaang ito ay isang pagpapatunay na si Hesus ay isang tao na sadyang hindi naaayon sa mga sinasabi tungkol sa kanya bilang anak ng Diyos. Kapansin-pansin na ang katawagang "anak ng Diyos" ay pilit na itinatangi lamang kay Hesus –kaya naman siya raw ay anak ng Diyos sa literal na kahulugan nito.
Ang katotohanan, hindi lamang si Hesus ang tinatawag na anak ng Diyos. Bagkus ang Bibliya ay nagsasaad na may ibang mga Propeta, mga tao at mga bansang binigyan ng katawagang "anak ng Diyos". Upang mapatunayan ito , basahin ang (Exodus 4:22, Mga awit 2:7, 1-mga Cronica 22:9-10, Mateo 5:9, Lukas 3:38 at Juan 1:12).
Ngayon ng katanungan, bakit ang mga naturang tao na tinawag na anak ng Diyos ay hindi ini-angat sa antas tulad ng ginawang pag-angat kay Hesus?
Ayon sa Ebanghelyo ni Juan, ang katawagang "anak ng Diyos" ay nangangahulungang isang taong matapat na sumasampalataya sa Diyos.
Siya ay nagsabi: "Ngunit, ang lahat ng tumanggap at nanalig sa Kanya ay pinagkalooban Niya ng karapatang maging anak ng Diyos."
Samakatuwid baga'y ang lahat ng sumasampalataya sa Kanyang pangalan ay matatawag na anak ng Diyos.